RSS

Nakasisiguro Ka Bang Ligtas Siya?

15 Mar

Iyon ang mga salitang nakalimbag sa isang paskil na nakadikit sa harapan ng CR sa loob ng Adonis. Isa siyang paalala ukol sa paggamit ng kondom at pagiingat tuwing makikipagtalik. Sa henerasyon ngayon, hindi kataka-takang matagpuan ang mensaheng ito lalong-lalo na sa loob ng isang gay bar.

LIGTAS.

Ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang ito? Sa paskil, maaaring inilalarawan nito ang pagtakas o pag-iwas sa sakit na idinudulot ng sekswal na kilos at iba pang konsekuwensiya na gawa nito. Sa ibang mga mag-aaral ng Ateneo (at ng mga magulang nila), ito ang pananatili sa loob ng kanilang nakasanayang asal ayon sa pamantayan ng mga nabibilang sa mataas na bahagi ng lipunan; ang mga lukob na indibidwal na patuloy na kinatatakutan ang makulimlim at kontrobersiyal na mga pook gaya ng Adonis. Matindi ang pangangamba na para bang kapag mamasok sila sa isang lugar gaya nito ay biglaang masusunog ang makikinis nilang balat o kaya naman ay magkakaroon ng pagsisiwalat ng impormasyon na makagagambala o makapapahamak sa kanila. (Para namang sila ang pinaiilalim sa proseso ng pananamantalang ito.)

Ang salitang ligtas ay malayong maikakabit sa mukha ng lalaki na nakaposisyon sa paskil. Isang ekspresyon ng mukha na hindi nalalayo sa itsura ng mga tagapalabas sa entablado ng gay bar. Isa-isa kong pinagmasdan ang itsura ng mga ito at napaghalataan ang mga peke nilang mukha na sa tingin nila’y sapat nang makaloloko ng madla.

Bilang isang tagahanga sa larangan ng teatro, hindi mahirap mamukhaan ang mga piling tao na marubdob na ginagampanan ang kani-kanilang papel pagkatapak sa entablado. Makikita mo ito sa pagtama ng ilaw sa kanilang mga mata – may dagitab na lumilitaw na sumasabay sa pag-agos ng silakbo ng damdamin. May kakaibang saya at ganda na pumupukaw sa mga nanonood. Hindi mo ito makikita sa kanilang mga mata.

Napagmasdan ko ang mga blangkong titig sa kalayuan, ano kaya ang mga bagay na pumapasok sa isipan nila? Sa mga baguhan, (kung mayroon man sa kanila nung oras na iyon) malamang nandoon pa ang kaba at ang pagaalinlangan. “Tama ba ‘tong ginagawa ko? Tama ba ‘tong pinasok ko? Kakayanin ko bang ipagpatuloy ‘to? Bakit sila tumatawa? Akala ba nila madali ‘tong ginagawa ko?” Iilan ‘yan sa mga bagay na posibleng nasa isipan nila. Doon naman sa mga nasanay na sa propesyong ito, nalalaman kaya nila kung gaano nila katagal ipagpapatuloy ang kanilang ginagawa? Ano pa kayang mga oportunidad ang na naghihintay sa kanila? Ayon sa mga sabi-sabi, ang pangunahing rason ng mga ‘modelo’ para mamasukan sa trabahong ito ay ang kompensasyon na makukuha nila habang naghihintay ng pagkakataong maibibigay sa kanila sa daan patungo sa kasikatan. Sila raw ang mga sinasabing ‘frustrated artists’ na hindi pa nabibigyang-daan sa industriya. Kung titingnan mo naman ang kanilang mga katawan at mukha, may itsura nga naman sila at may potensyal maging artista. Ngunit heto, pinapanood ko silang magsayaw sa maliit na entablado.

Tuluyan silang binubulag ng maliwanag na ilaw.

Sila ang nangangailangan na mailigtas, maligtas sa mundong umiinog sa kalibugan. Isipin mo, sa isang patay na gabi lamang natin silang nasaksihan. Ano pa kaya ang mga nangyayari na pumapanganib sa kanila, lalo na matapos ang hatinggabi? Ipinaalam sa akin ng mga baklang kaibigan ng nakatatandang kapatid ko na madalas dumalaw sa mga lugar gaya ng Adonis ang ibang mga kaganapan na dapat kong paghandaan. Sinabi nila sa akin na magdasal akong hindi tayo dadalaw doon kapag may espesyal na okasyon. Naikwento nila sa akin na sa mga piling gabi na iyon nagkakaroon ng bahagi ng palabas matapos ang hatinggabi na sabaysabay silang magsasalsal at magsisigawan. Ilang araw ko ring hinanda ang sarili ko at pinaalalahan ang sarili na maglakas loob para sa kahit anong sitwasyon na maaaring mangyari. Aaminin ko, lumuwag ang loob ko nang maupo ako sa malayo-layong lamesa at nakitang wala masyadong tao. Ngunit natakot rin ako nung tayahin ng kaklase ko na ang isa sa mga modelong napanood namin sa loob ay naninirahan malapit sa lugar namin.

Hindi ko maisip papaano kumilos kapag andun ako sa sitwasyon nila na linggo-linggong nakahantad sa mga tao na ang tanging pakay lamang sa pagpunta roon ay ang mapawi o matahimik ang kanilang sekswal na pangangailangan. Nakakalungkot isipin na ang henerasyong ito’y kinikilala bilang isang lipunan na binibigyang-diin ang halaga ng hedonism – na ang tanging layunin ng bawat mamamayan ay palugurin ang sarili sa pagpapalayaw, na tayo’y laging nasa proseso ng pagtugis sa kaluguran. Ito’y kababawan at kasakiman sa mga mata ng mga nakatatanda o ang mga dumidikit sa tradisyon. Pakiramdam ng marami na patuloy nating hinahamon ang mga alintuntunin ng moralidad, na dinadala natin ang ating mga sarili, ang ating kapwa, at ang mga susunod sa ating mga yapak patungo sa kapahamakan. Ngayon, sa bagong edad ng teknolohiya na may mabilis at madaling paraan para maimpluwensiyahan ang isang nilalang, paano ka nga ba nakasisiguro na ligtas ka nga sa kapahamakan? Ano ang gagawin mo kapag natuklasan mo na ang taong kumakatawan sa masasamang pwersang kinatatakutan natin ay nasa tabi mo lang pala?

Michie Barcelon – 100387

SA 21 – Section A

Advertisements
 
Leave a comment

Posted by on March 15, 2012 in Uncategorized

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: