RSS

Parokyano ng Perya

06 Oct

Kapag humina na ang pag-ihip ng amihan sa pagtatapos ng Marso, darating na ang pamilya ni “Ima” sa aming mapayapang baranggay upang magdala ng kasiyahan at ingay. Sa loob ng isang araw, naitayo na ang mga tolda at rueda na tila kabuteng nagsulputan, yun nga lang, sa init ng tag-araw imbes na sa unang bugso ng tag-ulan. Ramdam na ramdam mo na ang nalalapit na pista ni San Miguel sa pagdating ng perya na siyang kabahagi ng kultura ng mga Sinadaleño. Sa balat-kayong sigla at kasiyahan ng perya, matatagpuan ang samu’t saring katauhan na representasyon ng ating lipunan.

Mula nung aking kabataan, taon-taon na akong pumapasyal sa kakaibang mundo ng perya. Pagsapit ng alas otso ng gabi, kasama ng aking mga kaibigan, lalarga na kami tungo sa perya na wala pang 500 metro ang layo mula sa aming tirahan. Pagpasok mo pa lamang sa bukana ng sports complex, kitang-kita mo na ang mga nakahilerang mumunting lamesa na sari-sari ang paninda. Fishball, chichirya, softdrinks, fruit shakes, barbeque, inihaw na mais, popcorn, cotton candy – nariyan na lahat ang iyong hinahanap! Wala pang isang segundo, bigla mo na lamang maririnig ang megaphone na mayroong tumama sa Bingo o kaya naman, tumigil ang ilaw ng bombilya sa bilang 75 at nanalo ang Ale ng pinggan at baso. Di mahulugang karayom ang lugar sa dami ng mga parokyano ng perya na nagsusumiksik sa masikip na kasino ng masa. Dinig mo rin ang mga sigaw ng mga pasahero ng ferris wheel, octopus at horror train, mga hiyawan ng mga sugarol, ang birit ng singer sa karaoke, ang kantsawan ng barkada ng kabataan sa lugar ng videogames, at ang announcer sa liga ng basketbol na nagaganap sa covered court katabi ng perya. Nagbibigay ng kakaiba at di-maipaliwanag na pakiramdam ang mga kabigha-bighaning ilaw, ingay, amoy ng alikabok at usok na di matunton kung galing sa barbeque o sigarilyo, at presensya ng iba’t ibang klase ng tao.

Sa kalakhan ng perya, nangingibabaw ang tolda ng “shoot-shootan.” Tinawag yaong ganoon sapagkat sa toldang ito, gumagamit ng tatlong bola ng pingpong na hinahagis o “shinu-shoot” sa baligtad na triangulong gawa sa lambat at may butas sa dulo kung saan lalabas ang maliliit na bola. Tatanghaling panalo ang mga letra kung saan hihinto ang mga bola sa kwadradong lulan ang mga letra. Nakapalibot sa triangulo ng kapalaran ang mga parihabang plywood na pininturahan ng anim na letra na kapares ng mga letra sa kwadrado. Dito ipinpatong ang mga perang taya ng mga tao na iba’t iba rin ang kulay, mula sa kahel hanggang asul na parang bahag-hari. Magsisimula ang sigawan sa paghagis ng bola at lalo pang lalakas kapag nalaman na ang panalong letra. Mas malakas pa ang hiyawan kung doble o triple ang bolang nanatili sa maswerteng letra.

 

Isa ako sa mga parokyano ng shoot-shootan. Nakikisigaw pa nga rin ako kung minsan. Oo, inaamin ko na nagsusugal ako. Gayunman, sinisigurado ko namang pampalipas-oras lamang ito, libangan kung baga. Kailangan mo rin namang maghanap ng mapagkukunan ng sigla upang kahit papaano, makatakas ka mula sa higpit ng iyong pagkakatali sa responsibilidad – responsibilidad sa trabaho, sa pamilya, sa pag-aaral, sa lipunan at iba pang bagay. Kaya hindi kataka-taka na makikita mo rin dito ang mga nag-oopisina, manggagawa, barkada ng kabataan, mga negosyante, tindera sa palengke na libang na libang sa kakaibang siglang hatid ng perya. Ito ang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang atmospera sa perya na tila ba dinadala ka sa isang mundo ng walang pag-aalala.

 

Kung karamihan, paglilibang at panandaliang pagtakas sa obligasyon ang dahilan ng pagtungo sa perya, mayroon din naman na mismong sa lugar na ito nakatali ang kanilang buhay. Isang balintuna, kung pumupunta ang iba sa perya upang makatakas sa obligasyon, obligasyon naman ng iba ang magtungo sa perya. Upang mayroong maihapag sa lamesa, boung gabing naglalamay ang mga nagtatrabaho upang magbigay-serbisyo sa mga parokyano ng perya. Kabilang rito ang mga bangka sa tolda ng kasino, ang mga nagpapatakbo sa mga rueda, mga tagapagbantay ng karaoke at palaruan, mga tanod ng barangay na nagpapanatili ng kapayapaan, pati na ang mga nagtitinda ng samu’t saring pagkain sa perya. Sa gitna ng kasiyahan, narito sila upang maghanap-buhay para sa kapakanan ng pamilya.

Samantala, may mas malalim na pinaghuhugutan ang iilan. Sa kanilang pananaw, ang perya ang maaaring sagot sa kahirapan. Itinuturing ang pagsusugal bilang isang paraan ng hanapbuhay. Sino ba naman ang ayaw ng mabilisang kita? Hindi na kailangan pang magtrabaho, mananalangin na lamang sa santo ng swerte at diskarte. Sa kabilang banda, kahit na madali ang kita, malaki naman ang taya at kapalit kung mamalasin. Hindi rin ito magandang kagawian sapagkat nababale-wala ang halaga ng pagsisikap at pagpupursige. Maraming parokyano ng perya ang nakatira sa riles, mga iskwater kung ituring. Madalas, pagbabasura ang kanilang hanapbuhay. Isang kahig, isang tuka ang kanilang sitwasyon. Ipambibili na lamang ng pagkain, isusugal pa nila sa pagkakataon na madoble o matriple ang kanilang salapi para sa inihaw na manok kaysa piniritong tuyo. Babansagan mo silang sugarol? Masisisi mo ba sila sa pag-aasam ng panandaliang paglilibang, ng paglimot sa nakalulunos na sinapit, ng mas maginhawang pamumuhay kung alam mo na kabahagi ka ng lipunan na nagtulak sa kanila sa ganoong gawain?

Sa makulay, mapang-akit, at masiglang balat-kayo, hindi pa rin maikakaila ang realidad sa mundo ng perya. Marahil sa iilan, lugar ito ng paglimot; subalit para sa iba, lugar ito ng ilusyon na hinahangad bilang realidad. Sa pagbisita sa mapanlinlang na daigdig, inaanyayahan ang bawat isa na makisalamuha at kilalalanin ang iba’t ibang katauhan ng mga parokyano ng perya.

 

*Ikinalulungkot ko sapagkat hindi ko naisakatuparan ang pagsasagawa ng lakbay-aral ngayong semestre para sa blog requirement. Subalit, ginawa ko pa rin ang aking makakaya upang maibahagi ang isang kultura na maaaring pagmulan ng iba’t ibang aral batay sa aking karanasan bilang kabahagi ng ipinakilalang kultura. Gayunpaman, naniniwala ako na naisagawa ko naman ang mithiin ng gawaing pangklase. Maraming salamat sa paglalaan ng panahon upang basahin ang aking likha.

Euclid F. Infante 5 BS Biology

Advertisements
 
Leave a comment

Posted by on October 6, 2012 in Uncategorized

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: